Pages

Thursday, June 30, 2011

Pseudo-Relationships

Para sa mga hindi nakakaintindi, bibigyang kahulugan ko ang salitang “Pseudo Relationship”.

Etimolohiya: Nagmula ang salitang iyan sa Pseudo na nangangahulugang peke, hindi totoo o kahit anong katulad ng meaning niya at dagdagan mo ng salitang relationship o ang relasyon. Samakatuwid, pekeng relasyon, hindi totoong relasyon, o NAGLOLOKOHAN LANG KAYO.

Depinisyon: Dalawang taong nasa relasyon ngunit wala yung tunay na diwa, ang tinatawag nating “pangako” o commitment. Ito rin ay isang anyo ng katangahan, at aksaya lamang sa oras (paumanhin sa salitang nagamit).

Hindi sa akin ang litratong ito.

Halos kayo na pero, hindi kayo. Ang gulo lang! Ito ay isang bahagi ng pag-ibig kung saan, ang dalawang kasangkot ay higit sa pagiging mag-kaibigan ngunit hindi magkasintahan. Maaring may vermal agreement, pwedeng wala. One or both of you may have admitted your feelings, possible ding hindi. You just let your gestures do the talking for you. Walang pormal na ligawan na nangyari. Hindi kayo mag-jowa. Pero sa kilos niyo, sa mga sinasabi niyo, parang kayo, pero hindi. Talagang magulo. Ngunit, totoo, may mga ganitong tao.

Ang ganitong bahagi ng pag-ibig ay maaring mangyari sa iba’t-ibang oras:

  • Maaring mangyari matapos ang break-up- Mahal niyo parin ang isa’t-isa, at ayaw ninyong mawalay. Nangyayari ito sa mga taong nag-break dahil maaring, ayaw ng magulang, bata pa, atbp. At para sa mga kadahilanang ikaw lamang ang may alam, ayaw niyo na muna magkabalikan.
  • Maaring mangyari bago maging kayo- Yong pareho kayong nakikiramdam. Possible din na ayaw niyo munang mag-seryoso kaya kunwa-kunwarian lang muna. Testing lang. Puwede ring hindi puwedeng maging kayo kasi isa sa inyo may ka-relasyon na.

Ang mga ganitong klase ng relasyon ay maaring gawing libangan. Lalo na kung naghahanap ka lang naman ng “kalaro”. Pero huwag ka lang mag-e-expect na may patutunguhan kayo kasi wala talagang kasiguraduhan. Bakit ang daming nagse-settle sa ganitong set up ganoong hindi naman sigurado kung may patutunguhan? Iba’t ibang dahilan.
  1. Sabi ko pwedeng gawing libangan lang.
  2. Puwedeng buti na iyan kesa wala.
  3. Pwede ring “pantawid gutom” lang.
Para sa akin, okay lang ang mga ganitong klase ng relasyon. Yun bang, kilig vibes lang ang habol mo. Yun bang, may iba ka pang magiging dahilan kung bakit ka kinikilig bukod sa pag-ihi mo. Yun bang may nagtatanong sa’yo kung kamusta ang araw mo. Yung kapag tumunog ang cellphone mo, mapapangiti ka dahil alam mong magtetex s’ya. at s’ya yung natex na yun sa’yo. Na habang wala pa ang totoong relasyon, pagtiyatiyagaan mo nalang yun.

Pero, sa kabila ng lahat ng ito, walang kasiguraduhan ang lahat. Hindi mo alam kung kailan siya magsasawa. Kung kailan ka nya iiwan. Kung kailan s’ya makakahanap ng iba bukod sa iyo. At, kadalasan, ang lugi sa mga ganitong bagay ay ang mga babae.

Hindi katulad ng seryosong relasyon, hindi mo alam kung saan ka lulugar sa pseudo-relationship. Kumbaga, wala kang pinanghahawakan, walang salitang “kayo”, meron lang, “ikaw at siya” pero, walang “kayo”. Buti sana kung pseudo-pain lang ang mararanasan mo, ‘eh kaso, hindi, totoong sakit.

Ang hirap ano? Sumangayon ka sa ganitong klase ng relasyon para sa kaligayan at matatapos ang lahat ng nasasaktan ka. Pero, pwede rin namang hindi masaktan. Pwedeng hindi mo na isipin ang darating na panahon, pwedeng i-enjoy mo nalang yung ginagawa n’yo. Pwede yun. Petiks lang.

Ngunit, kung ikaw naman ay tiyak na mapupunta lang sa sakitan ang pinaggagawa niyo, kailangan mo nang mamili. Maari kang maging masaya at mabuhay sa mga sandali na hindi nababahala sa kung ano ang mangyayari sa susunod, o maari mo nang ihinto yang kalokohan niyo at maghintay na lamang na dumating ang totoong magmamahal sa'yo.

Ang pagiging kuntento...

“Sa likod ng isang relasyon ay ang mga taong hindi makuntento kahit may minamahal na.”

Sa buhay ngayon ng tao sa ating lipunan o maging sa buong daigdig, ay may kanya-kanyang minamhal. Ngunit bakit hindi sila makuntento rito? Marami sa atin ngayon ang naghihintay ng kanilang mamahalin at marami rin naman sa atin ang meron nang niyayakap ngunit may halang pa rin silang nararanasan. Ano ba talaga ang saysay ng pagmamahal kung ang iba ay hindi naman makuntento sa kanilang buhay pag-ibig? Siguro’y ang pag-ibig para sa kanila ay nagsilbi lamang na panandaliang aliw at kasiyahan sa isang laro. Sabi nga nila, pagkahaba-haba man ng prusisyon ‘eh, sa simbahan din magtatapos. Para sa akin, ang pahayag na ito ay hindi kapani-paniwala kasi ang buhay ng tao ngayon, marami nga ang nagkakaroon ng mga kasintahan ngunit nagkakatulyan ba sila hanggang sa huli? Lahat tayo ay may kaniya-kaniyang uri ng pagmamahal at lahat tayo ay may iba’t-ibang paraan upang mag-umapaw ito.

Ang pag-ibig ay isa sa mga mahahalagang bagay sa mundo, lalong-lalo na sa buhay ng tao ngayon. Kahit saang sulok ng lugar ka mapadpad, makikita mo ang hawakan ng kamay, halikan, kulitan, at harutan ng mga magkasintahan. Ngayong lumalaganap ang karukhaan sa ating bansa, marami tuloy ang hindi nakararamdam ng pag-ibig na dapat ay iniaalay sa kanila. Ang mga batang walang muwang na makikita sa kalye na namamalimos at nagugutom dahil sa kapabayaan ng kanilang mga magulang ay nangangailangan ng isang pag-ibig na nag-uumapaw. Ang mgat taong may marupok na katawan at salat sa yaman ay nangangailangan ng pagmamahal sa kanilang buhay na tutulong sa kanila upang makatighaw sa nararanasang sakit ng tanikalang nakakabit sa kanilang mga paa na humahatak sa kanila sa landas ng kasamaan. Marami sa atin ngayon ay hindi alam ang ibig sabihin ng pag-ibig. Para sa iba, ang pag-ibig ay sadyang isang maliit na bagay na kapag ikaw ay tinamaan talagang sasakyan mo nalang ng may katapatan ngunit may kahalong pagdududa at panibugho. Ano nga pala ang koneksyon ng paksang ito sa pamagat ko?

Ikinabit ko ang paksang ito sapagkat nais kong iparating sa mga taong may minamahal ngunit hindi naman makuntento rito na ang pag-ibig ay sadyang ganyan, kailangan ng tiwala sa isa’t-isa upang magkaroon ng isang matibay at matatag na samahang hindi mapipigtal ng kahit sinong magbalak na pumuksa rito. Sa lahat ng nakararanas ng ganitong problema, lagi niyong pakatatandaan na ang buhay pag-ibig, kung gusto mo talagang makuntento, kailangan ng tiwala at katapatan.

Paano kung ang taong gusto mo ay mayroon ng iba?

Wag ka dapat mawalan ng pag-asa. At, dapat, wag mong sinisisi yang sarili mo na nagkagusto ka sa iba. Hindi naman kasi napipigilan ang pagmamahal. Hindi mo aasahan ang pwedeng mangyari jan sa nararamdaman mo. Maaring mawala, maaring lumago. Pero, para sa akin, hindi naman masamang magkagusto sa may iba na, sabi ko nga magiging masama yun kung pumatol rin siya sa’yo.

Ang mahalaga lang, alam mong wala kang aapakan sa nararamdaman mo. Matuto kang dumistansya. Matutong lumugar. Matutong gumawa ng nararapat. Pero, wag mawalan ng pag-asa.


TANDAAN ANG CONTINENTAL DRIFT THEORY, KUNG ANG PULO NGA NAGHIHIWALAY, SILA PA KAYA.

Mas mahirap maging babae kung ikukumpara sa pagiging lalaki

Nagiging alitan minsan sa magkakaibigan kung sino ba talaga ang mas nahihirapan. Hindi ako makalaban dahil, ang masama, puro lalaki ang kalaban ko.. Kaya talagang sila ang panalo.

Kesho, sila daw ang nanliligaw, sila daw ang nagtatrabaho, sila daw ang tinutuli, atbp. Basta, kahit anong bagay na magpapahirap sa kanila ay sinabi na nila.

Sa lahat ng bagay kailangan mong mapatunayang may karapatan ka. Hangga’t may pagkakataon ako, ipaglalaban ko ang karapatang yon! Haha! Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit hindi madaling maging babae:

  • Kapag nagsuot ka ng maiksi (kesho shorts, palda, atbp.)- babastusin ka kaagad. Nasasabihan kang maarte ng ibang tao. Walang masyadong kalayaan. Pero, hindi naman nababastos ang lalaki kapag walang suot na t-shirt sa labas.
  • Kailangan mo sa buhay ang pagiging maganda. Kung hindi ka maganda, dapat mabait ka o kaya matalino- Pero, kapag ang lalaki, kahit pangit, tatanggapin ito ng mga babae. Kahit na tatanga-tanga, kahit na masama ang ugali, may kinalalagyan pa rin sila sa mundo.
  • Dalawang bahagi ng katawan namin ang pwede mong pagsamantalahan- Ang lalaki, isa na nga lang. Tuwang-tuwa pa ang iba kapag napagsamantalahan ito.
  • Mahirap umihi sa biyahe- Ang lalaki, tatayo lang sa tabi, instant wiwi na ang katapat. Eh, ang babae, required pang umupo. Kung pwede lang talagang tumayo e.
  • Bawat kilos mo, binabantayan ng mga tao sa paligid mo dahil bawat kilos mo, may interpretasyon para sa kanila- Ganun din naman sa lalaki, pero, mas matindi ang bato ng mga batikos sa babae. Lalong lalo na kung lalaki ang nagsalita.
  • Kami ang manganganak, kami pa ang magdadala ng bata- Samantalang ang lalaki, stay put lang. Nakatingin lang. Ang masama pa, magsusuffer ang mga babae ng siyam na buwan. Pero, blessing naman kung ituturing ito para sa kanila.
  • Ang babae, ibibigay niya ang puso at kaluluwa sa pamilya, marami pa ring maipipintas sa kanya- Samantalang ang lalaki, magka-pamilya na, at maibigay lang ang pangangailangan, mabuting ama na. Okay na!
  • Magkakaperiod buwan-buwan- Samantalang ang lalaki, tuli lang. Eh kami, effort pa yung pagpapanggap na normal lang. Na walang tumutulo sa toot nila (pasensya sa pananalita!).
Marami pang dahilan bukod dito kung bakit nasasabi kong mahirap maging babae. Marahil kulang ang isang araw para maisulat ang lahat ng iyon. Siguro hindi niyo malalaman kung gaano talaga kahirap hangga’t hindi niyo mararamdaman. Kaya sana sa bawat hirap na pinagdadaanan ng isang babae, hiling namin na maisip  rin ninyo kung paano pahalagahan ang mga katulad namin. Dahil mahirap man, makakayanan namin lagpasan ang lahat ng iyon kung may mga taong marunong magpahalaga sa bawat sakripiyo at pagtitiis namin alang alang sa inyo. Ang mga babae ay nilikha ng Diyos para sa mga lalaki, para may makakasama siya sa pagtakbo ng buhay kaya nararapat lang siguro na iparamdam niyo rin sa amin na mahalaga rin kami dahil kung hindi dahil sa amin, marahil walang magbibigay ng kulay sa mga buhay ninyo. Marahil hindi magiging masaya ang mundo kung wala kami. Pangunawa, respeto, pagmamahal at pagpapahalaga - yan lang ang tanging hiling namin na manggagaling sa inyo.

Pero, sa kabilang banda, mahirap ding maging lalaki syempre. Pero, babae ako, kaya ang babae ang ipaglalaban ko!

Ikaw? Sa tingin mo ba mas mahirap talagang maging babae kaysa sa maging lalaki? Kung hindi ang sagot mo, patunayan mo!

Mahirap kapag nasanay kang laging nandiyan siya.

Minsan kahit ok ang relasyon niyo. Dapat iniisip mo rin na magtira ka dapat sa sarili mo. At hindi lahat sa relasyon mo. Kahit na buo ang tiwala mo diyan. Kahit na sobrang mahal mo yan.

Dapat meron pa rin dapat sa sarili.

Parang alak lang yan. Huwag kang magubos kapag makikipaginuman ka. Para makauwi ka.

Sa pag-ibig naman huwag kang maguubos ng pagmamahal sa sarili mo para naman maka move on ka.

Ginawa mong buhay ang relasyon niyo e. Iniwan mo yung ibang taong malalapit sayo.

Mga kaibigan mo. Pati magulang mo sinusuway mo. Hindi mo na sila sinasamahan kapag nagpapasama sila sayo. Natuto ka nang sumagot dahil sa may sinasabi silang hindi maganda sa karelasyon mo.

Paano nasanay kang kasama mo siya. Hindi lang sa kanya iikot ang mundo mo. Napakaraming bagay ang tumutulong para umayos ang pagkatao mo.

May mga panahong gusto mo nalang sumuko..

Dumarating talaga tayo sa punto ng sonbrang kalungkutan sa buhay. Yun bang tipong lahat ng ginawa mo mali, lahat ng tao ayaw sa iyo, lahat ng tao parang ayaw kang kausapin, lahat sila ayaw kang pansinin. Yun bang lahat ng hakbang ginawa mo na, pero, ayaw pa ring gumana. Nakaranas ka na ba ng ganito minsan? Yung feeling mo rejected ka. Feeling mo, buong mundo nilugmok ka.

Hindi masamang sumuko. Kung talagang hindi mo na talaga kaya. Pero, hangga’t maari, wag sana. Okay lang na iwanan mo at lisanin ang lahat ng nagpapahirap sa buhay mo. Okay lang yan. Kung yan lang ang paraang magpapagaan sa kalooban mo, bakit hindi? Sabi nga sa pelikula,

“Don’t ever think it was a mistake to choose to find yourself, to choose to love yourself a little bit more”

Hindi ko na alam kung anong pelikula yan. Basta yung kay Bea. :D Bukod pa dito, kahit gasgas na, eh, applicable pa din,

“Matutong mahalin ang iyong sarili bago ang iba.”

Mahalin mo ang sarili mo, dahil kahit na ulit-ulitin niya ang linyang, “Mas mahal kita sa sarili ko.” o ang “Ikaw ang mundo ko.”, hindi niya talaga kayang gawin yan. Mainwala ka’t sa hindi, totoo ito. Hindi lahat ng lalaki, sa palagay ko, 1 sa sampung lalaki lang ang kayang gawin yan. Maswerte ka kung yung isang lalaking yun ay ang nobyo mo.

Mahalin mo ang sarili mo dahil walang ibang gagawa nito para sa iyo.

Mahalin mo ang sarili mo dahil doon mo malalaman ang halaga mo sa mundo. Doon ka magkakaroon ng pangarap. Doon ka kukuha ng bait sa sarili. Doon ka matututong igalang ang sarili mo. At malalaman mo kung saan ka lulugar.

Hindi ka naman naloloko dahil lang sa may nanloko sa iyo. Madalas kaya ka naloko ay dahil hinayaan mo na silang lokohin ka. Huwag mong isisi lahat ng bagay sa ibang tao, masakit man pero marami dito’y bunga na rin ng sarili mong katangahan.

Hindi ka mamatay kahit na mawala siya, wag kang maarte!

Para sa mga babaeng/lalaking sa tingin nila, mamatay sila, at mawawala ang saysay ng buhay kapag nawala o naghiwalay sila ng boypren/girlpren nila.

Kung sa tingin mo nga ganiyan, tingin mo lang yan. Sabi ng nila, habang may buhay, may pag-asa. Hindi ba? Totoo naman ‘eh. Wag masyadong O.A. Hindi ako salungat sa pagdadrama ninyo, ayon sa nabasa ko, ang pagtulo ng luha ay tumatagal lang ng isang linggo, kung sumobra, kaartehan na yan.
Oo, dahil ang totoo, hindi ka naman talaga mamamatay kapag nawala siya maliban na lang kung minamahal mo ay si God sapagkat wala naman talagang taong may kakayahan na hawakan ang buhay ng ibang tao kahit kasing lakas pa niya si Son Goku na humingi ng lakas sa bawat taong nakatira sa planetang Earth.

Sinasabi mo lang ito para maawa ang mga tao sa iyo at magalit sila sa lalaking nang-iwan sa iyo. O, kaya sinasabi mo lang ito para huwag ka niyang iwan. Kung ano pa man ang dahilan mo, walang mangyayari sa iyo kung ilalaan mo ang buhay mo sa isang taong kaya kang iwan sa panahon na handa mo ng ibigay ang buhay mo sa kanya.

Masaklap talaga ang buhay. Hindi lahat ng sakripisyo mo ay may patutunguhang mabuti dahil hindi lahat ng sakripisyo mo ay tama. At hindi lahat ng tao ay karapat-dapat sa mga bagay na handa mong ibigay sa kanila.

Eh, kasi naman, maraming dahilan para lumigaya, wag padadala sa isang tao lang. Bukod pa diyan, hindi lang siya ang nagmamahal sa’yo. Nanjan ang magulang mo, ang kaibigan mo, at higit sa lahat, ang sarili mo. Wag lang panghihinaan ng loob.